SUMASABLAY Manila

Bakit kapag malungkot na at magulo, tumatalikod, tumatakbo na papalayo?

‘Di ba pwedeng kahit malabo, kahit hindi na alam ang gagawin, magkasama niyo pa ring sasabihin na “Malalampasan rin natin ‘to.”?

Nung hindi pa iyo, lahat ginagawa mo mapasayo lang. Pero nung hawak mo na, alam mong iyo na siya at nandyan lang, binabalewala mo na.

Hinayaan kong mapuno ang paningin ko ng iba’t ibang kulay mula sa langit. Halo ang nararamdaman ko ng mga sandaling ‘yon. Bakit ganito? Masyado na ‘atang masakit. Matatapos na ba? Hanggang dito na lang ba ang lahat?

Hindi ko na alam ang gagawin. Kahit pa alam kong malapit siya saakin, hindi ako napanatag. Mali ang inaasahan kong magiging takbo ng araw na ‘yon. Kulang ang saya, bitin ang ligaya.

Malapit lang ako pero hindi napapansin. Paano pa kung tuluyan na akong mawala sa kanyang paningin?

Katabi, malapit lang pero hindi pa rin nakikita. Hindi na nakikita.

Minsan kasi kailangan ko rin marinig mula sa’yo kung gaano mo ako kamahal. Na kahit nakakaputa ang ugali ko e masaya ka na tayo, ako ang kasama mo. 

Minsan mainarte ang puso ko at kailangan kong marinig na sabihin mong maswerte ka saakin. Na gusto mo akong makasama. Kahit puro away, puro pagtatalo, nasasabik ka pa rin na makatabi at mahawakan ang kamay ko. 

Hindi ko naman hinihiling na marinig ‘to araw-araw. ‘Di na tayo mga bata. Pero minsan, kailangan ko…

‘Di ko alam kung dapat bang panindigan ko na wala e, ganito ako. O kailangan kong magbago kahit paano? Baka sakaling mas ayos, para maging interesante ako ulit para sa’yo.

Ewan. ‘Di ko alam. 
Oo. Pero ‘di pala sigurado.
Nakakaloko. Nasisiraan na ako.
Gusto mo pa ba?
O hindi na? 

~