Araw-araw akong umiinom ng kape, kahit pa kumpleto naman ang tulog ko. Kahit na sa totoo lang, hindi ko naman kailangan. 

Wala naman na talagang natutulong paminsan pero nasanay na lang siguro ako. 

Hindi mo naman na kasi talaga kailangan pero dahil nasanay ka na, paano mo nga ba bibitawan o iiwasan?

Kung titignan ang laman ng bag ko, maliban sa mga gamit na kailangan ko, maraming basura —balat ng kendi, mga papel na walang silbi, ballpen na wala namang tinta, etc. 

Hindi nalalayo sa buhay ko. 

Paano at saan nga ba ako magsisimulang itira lang sa sistema ko ay ‘yung mga bagay at taong kailangan ko lang talaga at hindi lang pakalat-kalat o basura? 

Muntik na akong maglayas kagabi dahil sa sobrang pikon sa pamangkin ko. Tuwing nagagalit ako sakanya, naaalala ko yung sinabi ng Papa nung nagdadalaga ako. “Nagbago ka na.”

Ngayon naiintindihan ko na, masakit pala talaga. 

Alam ko naman na hindi ako madaling pakisamahan. Nakakapagod ako, nakakaumay, nakakagalit, nakakapikon. Mahilig akong manakop. Masakit akong magsalita. 

Pero sobra din akong magmahal. Mahirap makapasok sa buhay ko. Kapag pinatuloy ko ang kahit sino, maraming bagay ang kailangang tanggapin sa pagkatao ko kung gusto niyang manatili. May mga tumatagal, pero dahil nga nakakasakal ako, mas marami ang umaalis. 

Alam ko naman na madalas na din akong sumusobra sa pakikitungo sa pamangkin ko. Pero kailangan niya akong sundin at hindi ako ang susunod sakanya. Pero nakakalungkot. 

Nagbago na siya. 

Napapadalas ang pagkakaroon ko ng sakit mula nang dumami ang trabaho ko dito. Hindi matatapos ang linggo na hindi ako lalagnatin o parang ngayon na may ubo’t sipon naman ako. 
Sa totoo lang, hindi ako masyadong bilib sa kayang gawin ng gamot sa katawan ko. Minsan kasi pakiramdam ko, wala naman talaga silang nagagawa. Kumbaga kaya lang ako gumagaling kasi iniisip kong napapagaling ako ng mga ‘to. Sa isip lang lahat. 
 
Pero mahilig akong magbaka-sakali. Baka naman posible. Baka naman kaya. Baka naman pwede pa. 
 
Kaso iniisip ko, antayin ko na lang kaya na gumaling ako? Baka kasi hindi ko naman na kailangan.

Nawawalan na naman ako ng gana sa buhay. Para bang sa dinami-rami ng ginagawa ko araw-araw, e wala naman akong napapala. Sinusubukan kong lumabas ng madalas kasama ang ilang mga kaibigan para naman matimplahan ang buhay ko. Masyado na kasing matabang. 

————————————————————————————————

Naririndi ako sa mga tanong ng mga bago kong nakikilala kung bakit “Malaya” ang ipinatatak ko sa likuran. Ang parati kong sagot e “Basta, maraming dahilan.” Tapos susundan nila ng “Siguro dahil nung nag-break kayo.” o ‘di kaya mga banat na sila lang naman ang tawang-tawa.

Pinipigilan ko na mag-isip ng masama sa kapwa ko pero totoo lang, ‘di ko talaga kinakaya na makipagsabayan sa sabaw ang laman ng utak. 

O dahil ang tingin din ‘ata sa’kin e mababaw akong tao? Sabagay, ano bang pakialam ko sa tingin nila sa’kin. Para namang nabubuhay ako nang dahil sakanila at sila ang pamantayan ng pagkatao ko. 

Hindi ko kailangang ipaintindi sa mga tao kung sino talaga ako. 

—————————————————————————————————-

Habang nagyoyosi ako kanina kasama ang isang katrabaho, may dumaang babae.

“May mga babaeng walang appeal e, ‘no?”, sabi ko. 

“Oo, parang ikaw.”, sagot niya. 

Nilipat ako ng opisina dahil nag-iba na rin ang immediate boss ko. Kung kailan palagay na ako sa lugar, saka pa ako iaalis. Wala naman akong magagawa kundi sumunod na lang sa patakaran, hindi ba? Bale ngayon, pang-apat na araw ko na dito. Wala na naman akong makausap dahil tinanggal nang sabay-sabay ang mga tropa ko. Ayos lang sana kasi paratihan naman akong lumalabas. Pero ngayong araw, wala akong meeting. Wala rin akong kasabay kumain. 

Bumalik na naman ako sa umpisa. 

Sabay-sabay silang kumain sa isang mahabang table habang ako, nasa sarili kong station at nagkukunwaring hindi pa nagugutom. 

Para maginhawaan ako kahit paano, bumaba ako para mag-yosi. Sirain talaga ang mga elevator dito. Medyo matagal rin akong nagintay at halos patapos na rin ang break time. Dali akong sumakay pagkabukas ng isang elevator. Nasa ika-20 kaming palapag at halos lahat e hinintuan pero wala namang sumasakay. Atat na akong mag-yosi. Hinabaan ko pa ng kaunti ang pasensya ko. Nabigyan ako ng pag-asa nung nasa ika-pitong palapag na. Huminto ito do’n at biglang umandar ulit, ‘yun nga lang pabalik sa itaas. 

Bumalik na naman ako sa umpisa.