“Mas matindi pa siya sa kape kung hanap-hanapin ko. Para akong high. Nakakaramdam na ako ng selos kahit wala naman akong karapatan. Nasasaktan na ako sa hindi ko malaman na dahilan. Okupado na rin niya pati ang mga panaginip ko. Hindi pa ba pag-ibig ang tawag dito?”
“Diba, hindi naman job opening ang pag-ibig – maraming requirement bago masabing pag-ibig nga.”
Una mong sinakop ang mga panaginip ko. Nakakapagtaka, iba ang pakiramdam na makasama ka sa isip ko.
Naka-ngiti ang mga mata mo saakin. O nababaliw lang ako?
Magulo, masarap, masaya, nakakatakot, nakakalungkot, pero masaya. Masaya.
Pero parang ayoko na. Gusto ko nang magising. Gusto ko nang kalimutan ang lahat pagkagising ko. Pero parang gusto ko pa. Pero hanggang panaginip lang ba talaga?
Ayoko na. Gusto ko pa.
Sabado ng hapon nung magpasya akong lumabas ng bahay. Kailangan kong lumabas at makahinga. Tamang-tama ang dating ng bagong camera. Masusubukan ko na. Mukhang marami ang naglalaro sa clubhouse. Walang pasok ang mga bata. Doon na lang siguro ako para malapit.
Ang sarap pagmasdan ng mga taong tumatawa. Punong-puno ng ligaya sa mga mata. Ang sarap din sa mata nitong makukulay na palaruan. Naalala ko tuloy ang aking pagkabata. Pitik lang ng pitik sa camera. Ang daming magagandang kuha. Mas maganda ang rehistro sa lente ‘pag natural ang kinukuhanan.
Lobo. Gusto ko ang mga lobo. Lahat ata ng bagay na lumilipad ay gusto ko. Maliban sa ipis. Focus. Focus pa. Pitik. Sinilip ko ang larawan at kumabog bigla ang dibdib ko. Sino ‘to? Inangat ko ang mukha ko at hinagilap ang lalaki na napasama sa kuha ko. Tinitigan ko muli. Seryoso siya, walang ngiti.
Ilang segundo niya ninakaw ang puso ko. Gusto ko siyang makita, makilala at pangitiin. Pero wala. Bigla na lang siyang nawala.
Hindi nahuhulog ang loob ko sakanya. Gusto ko lang yung pakiramdam kapag hinahalikan niya ako at humahalik ako pabalik sa mga labi niya.
Ramdam ko siya na yakap ako. Sa wakas. Sana hindi na natapos. Una siyang sumakay pauwi, inantay ko kung lilingunin pa niya ako muli. Lumingon siya, ngumiti. Umandar na yung bus. Lumayo na. Hindi ko alam, pati pala sa buhay ko lalayo na siya.