Binilang ko ang natitira kong barya sa wallet. Totoo sa pagkakataong ‘to na kapag nahulugan ako ng piso e hindi na ako makakauwi.
Mabuti na lang at may sobra pang lima. Pero ayaw ko ng medyo sakto na. Ayoko ng ganito na para bang gipit na gipit ako sa buhay. Sira daw kasi ang system ng bangko kaya ilang araw nang delayed ang sweldo. Pero kasi, kung sana e may maganda akong trabaho, kung sana nakakaipon ako.
Madalas kong isipin na bakit hindi ako maswerte sa napupuntahan ko. Madalas rin akong makaramdam ng inggit dahil mabuti pa sila, nakakaipon at nagagawa lahat ng gusto.
Ayaw ko na ng sakto lang. Ayaw ko na ng pwede na. Ayoko na ng ganito na hindi ako makasama sa lakad ng kung sinu-sino dahil sa makakapos ako. Ayoko na rin ng pakiramdam na para bang ayaw ka na ring kasama dahil pabigat ka lang at wala ka namang maiaambag.
Pero kasi dapat hindi ganito. Dapat sa edad kong ‘to, nakakaipon na ako. O dapat may maganda na akong trabaho.
Bakit ba kasi ako alis ng alis. Bakit ba kasi hindi ako tumatagal. Bakit ba kasi mahirap ako pakisamahan.
Ang mahirap sa pagmumuni-muni at pagbibigay ng panahon sa sarili para makapag-isip, kapag handa ka nang bumalik sa katotohanan, biglang wala ka na palang babalikan.
Hindi pa rin ako nakakaipon.
Nauubos ang pera ko sa pagkain. Ang siste, taba sa katawan ang naiimbak ko kaysa pera. Inuuna ko ‘yung mga bagay na masarap lang pero ‘di naman maganda ang epekto sa katawan — alak, yosi, pagkain, maraming pagkain.
Tinatamad na naman ako sa ginagawa ko.
Kailan ko kaya mahahanap ‘yung bagay na araw-araw kong gagawin pero hindi ko pagsasawaan? Bakit ba kasi madali akong magsawa. Bakit kasi hindi ko na gusto ‘yung mga dati naman e trip na trip ko. Bakit kasi ang lala ng amoy ng katabi ko. Bakit kasi ang daming kupal sa mundo. Bakit kasi ang kakapal ng mukha ng ibang tao.
Bakit hindi na lang sa tuwing madadagdagan ang taba ko sa katawan, may points din parang SM Advantage Card lang na pwedeng gamitin pambili ng pampapayat naman. Bakit hindi na lang ganito, gusto ko pa rin ‘yung mga gusto ko noon para less hassle, mas simple ang buhay, ‘di na ako magiilusyon ng mas magarbo.
Bakit hindi na lang kasi pagtulala ang trabaho ko, mas magaling ‘ata ako do’n. O kaya ganito… ano, tinatamad na ako.
Araw-araw akong umiinom ng kape, kahit pa kumpleto naman ang tulog ko. Kahit na sa totoo lang, hindi ko naman kailangan.
Wala naman na talagang natutulong paminsan pero nasanay na lang siguro ako.
Hindi mo naman na kasi talaga kailangan pero dahil nasanay ka na, paano mo nga ba bibitawan o iiwasan?
Kung titignan ang laman ng bag ko, maliban sa mga gamit na kailangan ko, maraming basura —balat ng kendi, mga papel na walang silbi, ballpen na wala namang tinta, etc.
Hindi nalalayo sa buhay ko.
Paano at saan nga ba ako magsisimulang itira lang sa sistema ko ay ‘yung mga bagay at taong kailangan ko lang talaga at hindi lang pakalat-kalat o basura?